Monday, December 9, 2024

Sulatin #6 - Diploma o Diskarte: Ano ang pipiliin mo?


Maraming tao ang nagdedebate tungkol sa diploma at diskarte, ngunit bilang isang mamamayan, ano ang pipiliin mo? Bakit nga ba kailangang pumili? Mahalaga ba ito para sa isang tao?

 

Ang diskarte ay ang kakayahan ng isang tao na maghanap ng paraan upang harapin ang mga hamon sa buhay. Halimbawa, kung ikaw ay isang taong naghihirap ngunit nais makaahon, mag-iisip ka ng mga paraan o diskarte upang makahanap ng trabaho at mapabuti ang iyong kalagayan. Sa kabilang banda, ang diploma ay isang sertipikong natatanggap ng isang tao kapag siya’y nakapagtapos sa pag-aaral. Ito ay mahalaga dahil nagbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa magandang trabaho at kinabukasan.

 

Sa huli, para sa akin, mas mainam na piliin ang parehas—diskarte at diploma. Ang kombinasyon ng dalawa ay mas maganda. Ang diploma ay nagbibigay ng mas malaking pagkakataon na makakuha ng magandang trabaho dahil patunay ito na ikaw ay edukado. Samantala, ang diskarte naman ay magagamit upang mapabuti at mapaunlad ang anumang trabaho o oportunidad na iyong makukuha.

Saturday, December 7, 2024

Sulatin #3 - Pagmamahal ng Isang Magulang

 

Ang “Anak,” isang kanta ni Freddie Aguilar, ay tungkol sa pagmamahal ng magulang sa kanilang mga anak. Ang ating mga magulang ang unang nagmahal at nagparamdam ng pagmamahal sa atin. Sila rin ang gumagabay upang maitama ang ating mga pagkakamali sa buhay.

 

Sa kantang “Anak,” ipinapahiwatig na ang mga magulang natin ang unang nag-aruga sa atin at ang tanging hangad nila ay ang makabubuti para sa atin. Ayon sa kanta, kapag hindi natin sinunod ang payo ng ating mga magulang, maaari tayong mapunta sa maling landas. Dahil dito, tayo rin ang magsisisi sa huli. Sa kabila ng ating mga pagkakamali, sila pa rin ang unang lalapitan natin kapag may masamang nangyayari sa atin. Kaya nga, tulad ng sabi ng ating mga magulang, “nasa huli ang pagsisisi.” Bilang mga anak, hindi natin dapat minamasama ang kanilang mga payo dahil ang tanging nais nila ay ang ating kabutihan. Hindi dahil malalaki na tayo ay nangangahulugan nang kaya na natin ang lahat, at hindi na natin kailangang pakinggan sila.

 

Sa kabuuan, mahalaga ang pakikinig sa ating mga magulang dahil kung wala sila, wala rin tayo. Dapat natin silang pahalagahan habang mayroon pang pagkakataong makasama sila. Huwag nating kalimutan na pasalamatan sila sa lahat ng kanilang sakripisyo at pagmamahal para sa atin.

Sulatin #5 - Mga Hadlang sa Tagumpay

 

“Pinukol ang punong hitik sa bunga” ay isang kasabihang tumutukoy sa mga taong nakakamit ng tagumpay sa buhay. Dahil sa kanilang tagumpay, may mga tao na nagtatangkang hilahin sila pababa. Maraming tao ang hindi masaya sa tagumpay ng kanilang kapwa, marahil dahil sa inggit o takot na malamangan. Ngunit, bakit nga ba may mga taong hindi marunong magdiwang sa tagumpay ng iba?

 

Sa mundong puno ng negatibong tao, laging may hahadlang sa iyong pag-angat, lalo na kapag nakikita nilang ikaw ay umaasenso. Maaaring ayaw nilang makita kang matagumpay dahil sa kanilang sariling insecurities. Ang iba naman ay nanghihila ng kapwa pababa dahil hindi nila kayang marating ang parehong tagumpay. Sa halip na magsikap para sa sarili nilang pag-unlad, pinipili nilang magdulot ng paghihirap sa iba upang pigilan ang kanilang tagumpay.

 

Sa kabila nito, mahalagang huwag magpaapekto sa mga taong ganito. Magpatuloy ka lang sa iyong mga layunin dahil kung ang tagumpay ay nakalaan para sa iyo, walang sinuman ang makapipigil dito. Hindi mahalaga ang opinyon ng mga taong ang tanging ginagawa ay hilahin ka pababa. Para naman sa mga tao na hindi masaya sa tagumpay ng iba, nawa’y mapagtanto ninyo na walang mabuting maidudulot ang ganitong pag-uugali. Mas mainam na maging masaya para sa tagumpay ng kapwa at gamitin ito bilang inspirasyon para pagbutihin ang sarili.

 

Sa huli, magpatuloy lamang sa buhay at huwag hayaang maapektuhan ng mga negatibong tao. Tandaan, ang tagumpay ay para sa mga taong patuloy na nagsisikap at naniniwala sa kanilang kakayahan. Kaya’t nawa’y magpatuloy ang inyong mga tagumpay at patuloy kayong maging inspirasyon sa iba.

Sulatin #7 - Kahalagahan ng Katapatan

    

“Ang pagsasabi ng tapat, pagsasama ng maluwat,” ang kasabihang ito ay tumutukoy sa pagiging tapat o makatotohanan sa isang bagay o tao. Ang katapatan ay hindi lamang basta salita; ito ay isang mahalagang pag-uugali na dapat taglayin ng bawat indibidwal. Ikaw, bilang isang tao, tapat ka ba?

 

Ang pagsasabi ng tapat ay isang bagay na nararapat gawin ng bawat tao. Halimbawa, kapag ikaw ay nakagawa ng mabigat na kasalanan sa iyong kapwa at natatakot kang sabihin ito sa kanya, maaaring bumagabag ito sa iyong kalooban. Ang tamang gawin ay maging tapat at ipagtapat ang iyong nagawang kasalanan upang mabawasan ang bigat na iyong nararamdaman. Kaya’t mahalaga na tayo’y maging tapat sa bawat bagay na ating ginagawa dahil ito ay isang ugali na dapat taglayin ng lahat.

 

Sa kabuuan, hindi tayo dapat matakot o magdalawang-isip na magsabi ng katotohanan. Kapag nagsasabi tayo ng totoo, wala tayong dapat ikabahala o ikatakot. Bilang isang indibidwal, napakahalaga sa akin ang pagiging tapat sa kapwa dahil para sa akin, ito ay simbolo ng pagbibigay ng respeto. Kaya’t ikaw, bilang isang tao, itatak mo sa iyong isipan na hindi masama ang magsabi ng katotohanan basta’t ikaw ay nasa tama.

BOOK REVIEW - THE MIDNIGHT MURDERS

    Sta. Lucia High School #30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City     THE MIDNIGHT MURDERS   ni Serialsleeper Life is Beautif...